Ester
Kabanata 9
Sa ikalabing dalawang buwan nga, na siyang buwan ng Adar, nang ikalabing tatlong araw ng buwan ding yaon, nang ang utos ng hari at ang pasiya niya ay malapit nang gagawin, nang araw na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na magpuno sa kanila; (yamang napabaligtad, na ang mga Judio ay siyang naghari sa kanila na nangapopoot sa kanila),
2 Ang mga Judio ay nagpipisan sa kanilang mga bayan sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, upang magbuhat ng kamay sa mga nagbabanta ng kanilang kapahamakan: at walang makatayo sa kanila; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa lahat ng mga bayan.
3 At lahat ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang mga satrapa, at ang mga tagapamahala, at ang mga nagsisigawa ng gawain ng hari, ay nagsitulong sa mga Judio; sapagka't ang takot kay Mardocheo ay suma kanila,
4 Sapagka't si Mardocheo ay dakila sa bahay ng hari, at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan: sapagka't ang lalaking si Mardocheo ay dumakila, ng dumakila.
5 At sinaktan ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa taga ng tabak, at sa pagpatay at paggiba, at ginawa ang naibigan nila sa nangapopoot sa kanila.
6 At sa Susan na bahay-hari ay nagsipatay ang mga Judio at nagsilipol ng limang daang lalake.
7 At si Phorsandatha, at si Dalphon, at si Asphatha,
8 At si Phoratha, at si Ahalia, at si Aridatha.
9 At si Pharmastha, at si Arisai, at si Aridai, at si Vaizatha,
10 Na sangpung anak ni Aman, na anak ni Amedatha, na kaaway ng mga Judio, ay pinatay nila; nguni't sa pagsamsam, hindi nila binuhat ang kanilang kamay.
11 Nang araw na yaon ay ang bilang ng nangapatay sa Susan na bahay-hari ay dinala sa harap ng hari.
12 At sinabi ng hari kay Esther na reina; Ang mga Judio ay nagsipatay at nagsilipol ng limang daang lalake sa Susan na bahay-hari, at ng sangpung anak ni Aman; ano nga ang kanilang ginawa kaya sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong kahilingan? at ipagkakaloob sa iyo: o ano pa ang iyong kahingian? at gagawin.
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, Kung kinalulugdan ng hari ipagkaloob sa mga Judio na nangasa Susan na gawin din bukas ang ayon sa pasiya ng araw na ito, at ang sangpung anak ni Aman ay mabitin sa bibitayan.
14 At iniutos ng hari na gawing gayon: at ang pasiya ay nabigay mula sa Susan; at kanilang ibinitin ang sangpung anak ni Aman.
15 At ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing apat na araw din ng buwan ng Adar, at nagsipatay ng tatlong daang lalake sa Susan: nguni't sa pagsamsam ay hindi sila nangagbuhat na kanilang kamay.
16 At ang ibang mga Judio na nangasa mga lalawigan ng hari ay nagpipisan, at ipinagsanggalang ang kanilang buhay, at nangagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at nagsipatay sa mga nangapopoot sa kanila ng pitong pu't limang libo; nguni't sa pagsamsam ay hindi nila binuhat ang kanilang kamay.
17 Ito'y nagawa nang ikalabing tatlong araw ng buwan ng Adar: at nang ikalabing apat na araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng pistahan at kasayahan.
18 Nguni't ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing tatlong araw niyaon, at nang ikalabing apat niyaon; at nang ikalabing limang araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.
19 Kaya't ang mga Judio sa mga nayon, na nagsisitahan sa mga bayan na hindi nangakukutaan, ginagawa ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar na araw ng kasayahan at pistahan, at mabuting araw, at ng padalahan ng mga bahagi ng isa't isa.
20 At sinulat ni Mardocheo ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nangasa lahat na lalawigan ng haring Assuero, sa malapit at gayon din sa malayo,
21 Upang ipagbilin sa kanila na kanilang ipangilin ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabing lima niyaon, taon-taon.
22 Na mga pinakaaraw na ipinagkaroon ng kapahingahan ng mga Judio sa kanilang mga kaaway, at buwan ng ikinapaging kasayahan ng kapanglawan, at ikinapaging mabuting araw ng pagtangis: upang kanilang gawing mga araw ng pistahan at kasayahan, at ng pagpapadalahan ng mga bahagi ng isa't isa, at ng mga kaloob sa mga dukha.
23 At pinagkasunduan ng mga Judio na gawin ang gaya ng kanilang pinasimulan, at ang isinulat ni Mardocheo sa kanila;
24 Sapagka't si Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbanta laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagsapalaran nga ang Pur, upang patayin, at upang lipulin sila;
25 Nguni't nang dumating sa harap ng hari ang bagay, ay kaniyang iniutos sa pamamagitan ng mga sulat na ang kaniyang masamang banta, na kaniyang ibinanta laban sa mga Judio, ay mauwi sa kaniyang sariling ulo; at siya at ang kaniyang mga anak ay mabitay sa bibitayan.
26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa pangalan ng Pur. Kaya't dahil sa lahat na salita ng sulat na ito, at ng kanilang nakita tungkol sa bagay na ito, at ng dumating sa kanila,
27 Ang mga Judio ay nangagpasiya at nagsipangako sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, at sa lahat ng yaon na nagpipisan sa kanila, na anopa't huwag magkulang, na kanilang ipangingilin ang dalawang araw na ito ayon sa sulat niyaon, at ayon sa takdang panahon niyaon taon-taon;
28 At ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipangingilin sa buong panahon, na bawa't angkan, ng bawa't lalawigan, at ng bawa't bayan; at ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga yaon ay lilipas sa kanilang binhi.
29 Nang magkagayo'y si Esther na reina na anak ni Abihail, at si Mardocheo na Judio, sumulat ng buong kapamahalaan upang pagtibayin ang ikalawang sulat na ito ng Purim.
30 At siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga Judio, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan ng kaharian ni Assuero, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,
31 Upang pagtibayin ang mga araw na ito ng Purim, sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa kanila ni Mardocheo na Judio at ni Esther na reina, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, sa bagay ng pag-aayuno at ng kanilang pagdaing.
32 At pinagtibay ng utos ni Esther ang mga bagay na ito ng Purim; at nasulat sa aklat.