2 Mga Hari

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25

0:00
0:00

Kabanata 19

At nangyari, nang mabalitaan ng haring Ezechias, ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote na may mga balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amos.
3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng pagkutya: sapagka't ang mga anak ay nagsidating sa kapanganakan, at walang kalakasang ilabas.
4 Marahil ay didinggin ng Panginoon mong Dios ang lahat ng mga salita ni Rabsaces na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sasansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't idalangin mo ang labis na natitira.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay nagsiparoon kay Isaias.
6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 At ng kaniyang marinig na sabihin ang tungkol kay Thiraca na hari sa Ethiopia, Narito, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo, siya'y nagsugo ng mga sugo uli kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang dayain ng Dios na iyong tinitiwalaan na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?
12 Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?
13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
16 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
17 Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,
18 At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya't kanilang nilipol ang mga yaon.
19 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.
20 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.
21 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.
22 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel.
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako'y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid.
24 Ako'y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.
25 Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton.
26 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y gaya ng damo sa bukid, at ng sariwang gugulayin, na gaya ng damo sa mga bubungan, at gaya ng trigo na lanta bago nakalaki.
27 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong pag-iinit laban sa akin.
28 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kagilasan ay dumating sa aking mga pakinig, kaya't aking ikakawit ang aking taga sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at ibabalik kita sa daan na iyong pinanggalingan.
29 At ito ang magiging tanda sa iyo: ikaw ay kakain sa taong ito ng tumutubo sa sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghasik kayo, at umani, at mag-ubasan, at kanin ninyo ang bunga niyaon.
30 At ang nalabi na nakatanan sa mga anak ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas,
31 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Sion ay silang magtatanan: gaganapin ito ng sikap ng Panginoon.
32 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol sa hari sa Asiria. Siya'y hindi paririto sa bayang ito, o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban doon.
33 Sa daang kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya darating sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
34 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin at dahil sa aking lingkod na si David.
35 At nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walong pu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
36 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon, at bumalik, at tumahan sa Ninive.
37 At nangyari, nang siya'y sumamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adramelech, at ni Saresar: at sila'y nagsitanan na patungo sa lupain ng Ararat. At si Esar-hadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.