Mga Hukom
Kabanata 13
At ang mga anak ni Israel ay gumawa uli ng kasamaan sa paningin ng Panginoon; at ibinigay ng Panginoon sila na apat na pung taon sa kamay ng mga Filisteo.
2 At may isang lalake sa Sora sa angkan ng mga Danita, na ang pangala'y Manoa; at ang kaniyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.
3 At napakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at nagsabi sa kaniya, Narito ngayon, ikaw ay baog at hindi ka nagkakaanak: nguni't ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalake.
4 Ngayon nga'y magingat ka, isinasamo ko sa iyo, at huwag kang uminom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anomang maruming bagay:
5 Sapagka't, narito, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalake; at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo: sapagka't ang bata ay magiging Nazareo sa Dios, mula sa tiyan: at kaniyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.
6 Nang magkagayo'y ang babae'y yumaon at isinaysay sa kaniyang asawa, na sinasabi, Isang lalake ng Dios ay naparito sa akin, at ang kaniyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Dios, na kakilakilabot: at hindi ko natanong siya kung siya'y taga saan, ni kaya'y sinaysay niya sa akin ang kaniyang pangalan:
7 Nguni't sinabi niya sa akin, Narito, ikaw ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake; at ngayo'y huwag kang uminom ng alak o ng inuming nakalalasing man, at huwag kang kumain ng anomang maruming bagay: sapagka't ang bata'y magiging Nazareo sa Dios mula sa tiyan hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.
8 Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, Isinasamo ko sa iyo, Oh Panginoon, na pabalikin mo uli ang lalake ng Dios na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa bata na ipanganganak.
9 At dininig ng Dios ang tinig ni Manoa; at nagbalik ang anghel ng Dios sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid: nguni't si Manoa na kaniyang asawa ay hindi niya kasama.
10 At nagmadali ang babae, at tumakbo, at isinaysay sa kaniyang asawa, at sinabi sa kaniya, Narito, ang lalake ay napakita sa akin, yaong naparito sa akin ng ibang araw.
11 At bumangon si Manoa, at sumunod sa kaniyang asawa, at naparoon sa lalake, at sinabi sa kaniya, Ikaw ba ang lalake na nagsalita sa babaing ito? At kaniyang sinabi, Ako nga.
12 At sinabi ni Manoa, Mano nawa'y mangyari ang iyong mga salita: ano ang ipagpapagawa sa bata, at paanong aming gagawin sa kaniya?
13 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay magingat siya.
14 Siya'y hindi makakakain ng anomang bagay na nanggagaling sa ubasan, ni uminom man lamang ng alak ni ng inuming nakalalasing, ni kumain man ng anomang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kaniya ay sundin niya.
15 At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay aming mapigil, upang maipagluto ka namin ng isang anak ng kambing.
16 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Bagaman ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain: at kung ikaw ay maghahanda ng handog na susunugin, ay iyong nararapat ihandog sa Panginoon. Sapagka't hindi naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.
17 At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Ano ang iyong pangalan, upang pangyayari ng iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?
18 At sinabi ng anghel ng Panginoon sa kaniya, Bakit mo itinatanong ang aking pangalan, dangang kagilagilalas?
19 Sa gayo'y kumuha si Manoa ng isang anak ng kambing pati ng handog na harina, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato: at gumawa ng kamanghamangha ang anghel, at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa.
20 Sapagka't nangyari, nang umilanglang sa langit ang alab mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay napailanglang sa alab ng dambana: at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa; at sila'y nangapasubasob sa lupa.
21 Nguni't hindi na napakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa o sa kaniyang asawa. Nang magkagayo'y naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.
22 At sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa, Walang pagsalang tayo'y mamamatay, sapagka't ating nakita ang Dios.
23 Nguni't sinabi ng asawa niya sa kaniya, Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinunog at ang handog na harina sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito ni nasaysay man sa panahong ito, ang mga bagay na gaya nito.
24 At nanganak ang babae ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki, at pinagpala ng Panginoon.
25 At pinasimulang kinilos siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Esthaol.