Mga Bilang
Kabanata 19
At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.
3 At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:
4 At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:
5 At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:
6 At ang saserdote ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.
7 Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.
8 At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.
9 At pupulutin ng isang taong malinis ang mga abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.
10 At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.
11 Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:
12 Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni't kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.
13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka't ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya'y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.
14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.
15 At bawa't sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.
16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.
17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.
18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:
19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya'y maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.
20 Nguni't ang taong magiging marumi, at hindi maglilinis, ay ihihiwalay ang taong yaon sa gitna ng kapulungan, sapagka't kaniyang inihawa ang santuario ng Panginoon: ang tubig para sa karumihan ay hindi nawisik sa kaniya; siya'y marumi.
21 At ito'y magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila: at yaong nagwiwisik ng tubig para sa karumihan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at yaong humipo ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa hapon.
22 At anomang hipuin ng taong marumi ay magiging marumi; at ang taong humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa hapon.