Levitico
Kabanata 9
At nangyari sa ikawalong araw, na tinawag ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at ang mga matanda sa Israel;
2 At sinabi niya kay Aaron, Magdala ka ng isang guyang toro, na handog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na handog na susunugin, na kapuwa walang kapintasan, at ihandog mo sa harap ng Panginoon.
3 At sa mga anak ni Israel ay sasalitain mo, na sasabihin, Kumuha kayo ng isang kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan; at ng isang guyang baka, at ng isang kordero, na kapuwa na may gulang na isang taon, at walang kapintasan, na handog na susunugin;
4 At ng isang toro at ng isang tupang lalake na mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ihain sa harap ng Panginoon, at ng isang handog na harina na hinaluan ng langis: sapagka't napakikita sa inyo ngayon ang Panginoon.
5 At kanilang dinala sa harap ng tabernakulo ng kapisanan ang iniutos ni Moises: at lumapit doon ang buong kapisanan, at tumayo sa harap ng Panginoon.
6 At sinabi ni Moises, Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: at lilitaw sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.
7 At sinabi ni Moises kay Aaron, Lumapit ka sa dambana, at ihandog mo ang iyong handog dahil sa kasalanan, at ang iyong handog na susunugin, at itubos mo sa iyong sarili at sa bayan: at ihandog mo ang alay ng bayan, at itubos mo sa kanila; gaya ng iniutos ng Panginoon.
8 Lumapit nga si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog dahil sa kasalanan, na yao'y para sa kaniya.
9 At iniharap ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo: at itinubog niya ang kaniyang daliri sa dugo, at ipinahid sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana at ang dugong labis ay ibinuhos sa tungtungan ng dambana:
10 Datapuwa't ang taba at ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog dahil sa kasalanan, ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
11 At ang laman at ang balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento.
12 At pinatay niya ang handog na susunugin; at ibinigay sa kaniya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng palibot ng dambana.
13 At kaniyang ibinigay sa kaniya ang handog na susunugin, na isaisang putol, at ang ulo: at sinunog niya sa ibabaw ng dambana.
14 At kaniyang hinugasan ang lamang loob at ang mga paa at sinunog sa ibabaw ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.
15 At iniharap niya ang alay ng bayan; at kinuha ang kambing na handog dahil sa kasalanan na para sa bayan, at pinatay at inihandog dahil sa kasalanan, na gaya ng una.
16 At iniharap niya ang handog na susunugin, at inihandog ayon sa palatuntunan.
17 At iniharap niya ang handog na harina, at kumuha ng isang dakot, at sinunog sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na susunugin sa umaga.
18 Kaniyang pinatay rin ang toro at ang tupang lalake na haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na para sa bayan: at ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.
19 At ang taba ng toro at ng tupang lalake, ang matabang buntot at ang tabang nakatakip sa lamang loob, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.
20 At kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib, at kaniyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana:
21 At ang mga dibdib at ang kanang hita ay inalog ni Aaron na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.
22 At itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa dakong bayan at binasbasan niya; at bumaba siya na mula sa paghahandog ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
23 At pumasok si Moises at si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at sila'y lumabas, at binasbasan ang bayan: at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa buong bayan.
24 At may lumabas na apoy sa harap ng Panginoon, at sinunog sa ibabaw ng dambana ang handog na susunugin at ang taba: at nang makita yaon ng buong bayan, ay nagsigawan at nangagpatirapa.